Saturday, May 26, 2012

K to 12 KURIKULUM: LANGIT O PASAKIT?


Balagtasan:
Isang Pagtatanghal Para Sa
Creative Curriculum(May 27, 2012)   

Eduardo  Malle Jr. (blogsite owner)              

K to 12 KURIKULUM:LANGIT O PASAKIT?
Sinulat ni: Angel A. Yasis, Jr.


Pangkat Totoo:                                           
1.Angel A. Yasis, Jr.
2.Josephine Q. Entico
3.Sarah M. Adano
4.Lalaine A. Perez
5.Annabel S. Fernandez
6.Angelo L. Nabia
7.Lea C. Carabot
8.Ryan S. Sioco
9.Janet G. Bradecina
10. Leslie H. Brofas
11. Ray Anthony B. Pedroso
12. Ma. Alilie U. Valeros

              Professor ARNULFO M. BALANE
                              Schools Division Superintendent





BALAGTASAN: K TO 12; LANGIT O PASAKIT?
Ni: Sir Angel A. Yasis, jr.

LAKANDIWA:
          Mapayapang pagbati po/ ang nais kong ipaabot,
          Sa lahat ng nariritong /nakikinig, nanunuod,
          Lalong higit sa ’ming gurong/ parang hindi napapagod,
          Sa pagtupad sa tungkulin/ at dibosyong nag-uutos.

Sa ilaw po ng tahanan,/ mga inang maalaga,
          Sa haliging anong tibay, /mga amang mapagpala,
          Pag ang ilaw ay nawala /ang haligi ay uuga!
          Edukasyon ang tutugon /sa tahana’t buong bansa.

Pasens’ya na kayong lahat/ kung kami ma’y makialam
          Sa usaping apektado/ ang maraming mamamayan.
          Edukasyon ang s’yang susi/ sa marangyang kabuhayan.
          Kamangmangan ang salarin/ sa dagok ng kahirapan!
         
Ito po ay balagtasang/ merong tugma’t merong sukat;
          Na sabayang pagbigkas pang/ kami lang ang nakatuklas,
          Patula na pagtatalong/ masining at mabulaklak
          Katutubong kayamanan,/ tradisyon ng Pilipinas!
         
          Sir Balane kayo na po/ ang bahalang magpatawad,
          Kung sakaling magkukulang/ ang kat’wirang ilalahad.
          Sa naritong taong madla’y/ ganon din ang pakiusap
          Palinawin ang malabo/, yon ang aming tanging hangad.

          Ang K to 12 Kurikulum/ dapat ba raw tangkilikin,
          Dahil ito ang s’yang tugon /sa maraming suliranin?
          O dapat bang ibasura/ ang K to 12 ay ilibing,
          At baka raw lalong ito’y/ pasakit ang dulot sa ‘tin?

          Ang dalawang maglalaban/ ay atin nang bigyang-pansin,
          Na sana ay makatulong/ sa problemang lulutasin.
          Una muna ang PASAKIT/ kanina pa nanggigigil,
          Tutol silang ang K to 12/ Kurikulum ay gamitin!
                                                                   1


PASAKIT (1 Tindig):
          Kami po ay makatang /sa tulaa’y sadyang hinog,
          Sa labanan/ ang katulad /ay kidlat at saka kulog,
          Sa pagtula nalilibang,/ sa pagtula nabubusog.
          Kaya’t handang ipagtanggol/ panig namin kahit tulog!

          Matuwid daw/ na landasin/ ang nais na/ taluntunin
Ng magaling/ na pangulong /nagnanais /na pawiin.
Kauhawan sa edukasyong/ minimithi/ lahat natin
Ang K to 12/ mas malamang /PASAKIT ang dulot sa ‘tin?

Kami pong mga magulang/ hanggang ngayo’y/ litung-lito.
Di malaman ang gagawin /sa maraming/ pagbabago.
Ayaw man naming tanggapin/ K to 12 na inihahain,
Parang walang magagawa/ kahit anong aming gawin.

Ang panig po/ ng PASAKIT/ hanggang ngayo’y/ naghihirap,
Kumakayod/ araw-gabi/ at pagod ay dumaragdag.
Parang walang/ pakialam/ ang gobyerno /sa mahirap,
Habang kami’y/ nagugutom/ sila nama’y/ nabubundat!

LAKANDIWA:
          Atin ngayong mapapansin /sa kanilang unang tindig
          Buo nilang kalooban/ ay talagang nag-iinit,
          Ngunit bago magpatuloy/ sa kanilang pagsusungit,
          Akin munang tatawagin /manananggol ng K to 12!
         
          Manananggol ng K to 12/tindig kayo’t bumandila.
          At ang inyong katuwiran,/dito ninyo ipakita!
          Gamitin n’yong panghambalos/ at pansalag ay ang dila…
          Sa pagtulang maindayog/maalindog at mabisa!

LANGIT (1 Tindig):
          Kami pong naririto’y /mga gurong /matulain.
          Nagtutula/ raw si tatay/ noong  kami/ ay gawain,
          Habang yaong/ aming ina’y/ sumasagot/ ng awitin,
          Kaya’t kami /nang umuha,/ may indayog /at may lambing.
2

Hindi kami/ nagtataka/ kungbakit ba umaayaw
          Sa K to 12/ itong aming/ katunggaling/ matungayaw.
          Likas naman/ sa ugali /ng tao ang /umaangal
          Sa t’wing mayrong /pagbabagong /minimithi /ang sinoman.

          Kaya’t kami’y /napilitan /na dito ay pumagitna,
          Upang aming /bigyang-linaw/ ang malabo /sa akala.
          Kulang lang sa/ impormasyon/ang katalong/ ngumangawa,
          Kaya’t sila’y/ nag-iini/t ignorante /palibhasa.

          Kaya’t ngayo’y/ humanda kayo/ katagisang/ mapagbintang…
          Yamang kayo’y/ kasangkapang /sa pag-unlad/ humaharang.
          Ang akin lang /pakiusap /buong pusong /kahilingan
          Palawakin/ n’yo rin san/a ang puso n’yo/ at isipan!

PASAKIT (Ika-2 Tindig)
          Paano nga ba tutugon/ ang K to 12/ kurikulum?
          Ito ba ay pampataas /sa antas ng /edukasyon?
          Mapabubuti ba nito /mga batang/ kunsumisyon?
          At sa mga/ hanapbuhay/ ay ito ba /ang solusyon?
         
Ito ngayon/ ang hamon ko/ dito sa ‘king/ katunggali…
          Patunayan /ninyo ngayong/ mabuti ang/ inyong mithi!
          Baka naman/ pandagdag lang/ sa gusto n’yong/ maiuwi,
          Sa pondo na/ nakalaan, /pipingas at /babahagi!

          Kaya’t kami’y /naririto/ umiiyak, /nanggigigil.
          Saan pa kaya/ susungkitin/ ang salaping /gugugulin,
          Na sukat na/ gagastusin/ sa pagdagdag/ ng year level?
          Yaong aming/ pagtitiis /sa’n pa kaya /huhugutin?

LANGIT (Ika-2 Tindig):
Kundi n’yo pa /nalalaman /makinig kayo’t imumulat.
          Kurikulum /na K to 12/ sa ‘ting bansa’y /pampaangat.
          Ito’y hakbang /ng gobyerno/, para sa ‘ting /apo’t anak,
          Upang sila’y/ magkaroon/ ng bukas na/ maliwanag.

         
                                                          3

Sa K to 12 /tutuklasin/ kung ano ang/ nararapat…
          Kakayahang/ lilinangin/ sa anak mong /nangangarap.
Doon sila/ sasanayin/ upang yaong/ abilidad,
Sa trabahong/ papasuka’y/ maging sanay,/ maging ganap.
         
          Ito rin  ay/ nakatutok /sa ‘ting mga /mag-aaral,
          Upang yaong/ paghihirap /ay magkaro’ng /kabuluhan.
          Yaong dagdag /na panahon/ ay dagdag ring kakayahan…
          Karagdagang/ kaalama’t/ sa kita ay/ karagdagan.

PASAKIT (Ika-3 Tindig):
          Nakaluhod /na nga kami’y /nais n’yo pang/ pataubin,
          Sa dagdag na/ paghihirap /dagdag libag/ ang kakamtin!
          Hindi kaya/ mauwi lang/ sa pagiging/ kulangutin
          Noong aming /mga anak/ ang panahong /gugugulin?

          Paano pa /magagawang/ mga anak /patapusin?
          Gayong ako’y/ pasmado na’t /malapit nang/ mag-ulyanin…
          Ako’y simpleng/ mamamayan/ at simple rin/ ang hangarin;
          Mapatapos /ang anak ko/ bago ako/ mapalibing!
         
          Kaya’t ako’y /nagtataka/ sa K to 12 /ninyong alay;
          Pinahaba/ ang panahon/ kagastusa’y /nadagdagan…
          Samantalang/ bakit noon /ang panaho’y/ maikli lang?
          Mga bata’y /matalino’t/ masunurin/ sa magulang!

LANGIT(Ika-3 Tindig):
K to 12 ang/ kasagutan /upang ika’y /makatipid,
          Sa gastusi’t/ sa panahon,/ makinig ka’t/ isusulit.
          Senyor hayskul gradweyt pa lang /ay meron nang sertifikeyt,
          At meron  nang / kasanayang/ sa trabaho’y /magagamit.
         
Kung ikaw ay ama’t ina /na wala ngang/ pampaaral…
          Senyor Hayskul na anak mo’y/ pwede ka nang/ matulungan.
          Hindi ka na /gagastos pa/ kung talagang /kinukulang…
          Lalo pa at/ ang ‘yong anak, /kakayaha’y/ bokasyonal.

         
                                                          4


At di mo ba/ nalalamang/ isa itong/ bansa natin…
Na may basic/ education /na maikli /at putlain?
          Kaya’t ngayo’y /panahon na/ sa tulungang /pagtatanim,
          Upang yaong/ mga anak,/ natin bukas,/ may anihin!

PASAKIT (Ika-4 Na Tindig):
Aani ng /mga bungang/ hindi hinog/ sa panahon,
          Dahil parang/ kinalburo,/ hindi handa’y/ isinulong!

LANGIT (Ika-4 Na Tindig):
          Isinulong/ dahil ito/ ang s’yang tiyak/ na tutulong,
          Natatanging /programa at/ natatanging/ kurikulum!

PASAKIT (Ika-5 Tindig):
          Kurikulum…/ Ano ba yon? /Makakain/ pag nagutom!?

LANGIT (Ika-5 Tindig):
          Magugutom /ka talaga/ pag hindi ka /sumang-ayon!

PASAKIT (Ika-6 Na Tindig):
          Sasang-ayon /lamang kami,/ pag nawala/ ang korupsyon!

LANGIT (Ika-6 Na Tindig):
          Ang korupsyo’y/ mawawala/ sa mabuting /edukasyon!
         
LAKANDIWA (Ang Hatol):
          Sandali lang! Hintay muna!/  Baka kayo’y magsakitan!
          Baka kayo ay mahighblood/bumaba ang inyong sugar.
          Ang  hangarin natin dito’y /ang malabo’y mapalinaw…
          Mawawalang silbi ito/ kung laging magsisigawan.
         
Sa pagkakataong ito/ ay akin nang puputulin,
          Itong ating balagtasan/ kahit tayo’y medyo bitin.
          Bilang dito’y lakandiwa /ay ako na ang pipigil,
          Bago pa may magkawalk-out/bago pa may himatayin.

                                                                    5


Hindi natin masisisi /kung mag-alab ang damdamin
          Nitong panig ng PASAKIT/ na ngayon ay nanggigigil.
          Kung ang hangad nila ngayo’y/ pandugtong lang sa pagkain…
          Hangad naman nitong LANGIT/ ay buhay ng bansa natin.

          Sino ang di magagalit, /sino ang di mayayamot?
          Pag hindi mo malalaman/ang totoong niloloob.
          Ng K to 12 Kurikulum/mamamatay ka sa himutok!
          Lalo’t ang ‘yong hanapbuhay/paglalako ng tinumok!
         
          Hindi  natin  makakamtan / pangarap na  kaunlaran,
          Kung  ang  ating  iisipi’y/  pansariling  kapakanan.
          Ang  mabigat  na desisyon/  pag di  natin  sinimulan…
          Kundi  tulog  sa  pansitan, /pupuluti’y sa  kangkongan!

          Ang  anumang  layo ‘t agwat /  kaylan  ma’y  di  mararating,
          Kung  titingna’t uupo lang/  at  di  natin  lalakarin.
          Kundi  ngayon  sisimulan / ang  malawak na lakbayin,
          Sa lugar  mong  nadapaa’y/ doon ka na  ililibing!
         
At sa  tinipak-tipak  nga/ ng  ‘yong mumunting  palakol,
          Ay sukat  nang  makatibag/  ng  malaking  punongkahoy!
          Kapag  ikaw ay nasanay / sa maghapong  kasisipol …
          Kakabagin ang tiyan mo’t/ utot lang ang maiipon!

          At ang  isang  batong  buhay/  na  malaki’t  sakdal-tigas…
          Sa   tikatik  na  pag-ulan  /ay  sadya  ring  naaagnas.
           Yaong tubong padaluyan/pag barado’t walang butas…
          Ang  tubig  at  saka katas/ di lalabas, di tatagas!
         
Kaya’t  yaong  aking  hatol / patuloy  na  pagbabago
          Dahil  ito   ang  totoo,/at  sigaw  ng  buong  mundo
          Magtulungan  tayong  lahat / mga  kapwa  Pilipino
          Kailan  pa ?  Kundi  ngayon!  At  sino  pa? Kundi   tayo!
         
TANGKILIKIN  ANG  K t0  12, PARA SA’TING  MGA  APO!


                                                                    6  

                                                       


1 comment: